AYUDA. (TAGALOG VERSION)
- Jan Writer
- Oct 1, 2024
- 3 min read

Isang salita na sa mga talumpati lang ng mga pulitiko natin dating naririnig. Ngayon, bukambibig na ng lahat. Sino ang mag-aakala na sa isang modernong bansa gaya ng Pilipinas, nakasalalay ang buhay ng nakararami sa paghihintay ng isang supot na plastik o pulang sobre na may nakabalandrang mukha ng pulitiko?
Mula noon hanggang ngayon, hindi sapat na mai-abot lang nila sa atin ang ayuda. Dapat plastik din ang mukha — este — nasa plastik din dapat ang mga mukha (nilang plastik). Para raw alam natin kung sino’ng nagbigay. Para raw alam natin kung sinong magpapalamon sa pamilya natin ngayong gabi. Para sa kanila, ang kahirapan at kagutuman ay hindi mga problema na dapat solusyonan. Para sa kanila, parte ‘yan ng kanilang palabas. Palabas kung saan sila ang artista.
"Ayuda po! Pila po kayo!"
Ang galing. Ang galing, galing nilang umarte. Tayo naman, nakapila sa ilalim ng sikat ng araw, hindi para sa trabahong mag-aahon sa atin sa kahirapan, kundi para makapag-uwi ng kakarampot na ayuda para may maipanlalaman tayo sa ating mga sikmura mamaya. Ayuda na galing naman talaga sa buwis na ating binabayaran.
Ang bongga ng demokrasya, ‘di ba?
Pero s’yempre, hindi buo ang palabas kung wala ang mga supporting cast. Kasama na riyan ‘yung mga opisyal at ‘yung kapitbahay nating laging mas marami ang nakukuhang supot ng bigas kesa sa atin. (Minsan, may GCash pa. Haha.) Samantalang ikaw, noodles lang ang hawak.
Performance kasi ‘yan. Makipagkamay ka, teh. Ngumiti ka. Laruin mo ng tama ang game show, baka makakuha ka ng higit sa karaniwang natatanggap mo.
Pero bakit? Bakit tayo nag-aabala? Para sa survival natin? Siguro nga, ‘yun na nga ‘yun. Sabi nga ng katabi mo sa pila, “Magpasalamat na lang tayo.” Matuwa ka na lang na buhay pa kayo ng pamilya mo hanggang bukas. O kaya sa makalawa, hanggang may natitira pa sa ayudang matatanggap mo mamaya.
Pero mapapaisip ka: ano ba talaga ang papel ng pamimigay ng ayuda? Kawang-gawa o isang perya na naka-livestream sa Facebook o TikTok?
Palabas lang lahat ng ‘yan. Wala silang ibang pakay kundi ilihis ang atensyon natin sa sobre o bigas na nasa ating harapan. “Oh, ayan ang bigas mo, focus ka lang sa mga butil. Bilangin mo. Huwag kang titingin sa mga sirang kalsada, sa traffic sa EDSA, sa kawalan ng flood control projects, o kaya sa korapsyon."
Tingin lang sa bigas, huwag sa mga butas.
Pero huwag naman tayong masyadong negative, okay? Pilipino tayo. Natural sa atin ang bayanihan at maging matulungin. Baka isang uri lang ng n’yan ang pamamahagi ng ayuda. Kahit na parang nanlilimos na tayo. Sino ba naman tayo para tanggihan ang libreng pagkain? O libreng pera?
Gutom tayo, oo, baka desperado pa, pero may dangal pa rin tayo, ‘no.
Pero meron ba talaga?
Ang dangal... maaaring bumaluktot kapag gutom. Yumuyuko kapag pagod. At sa harap ng matinding kahirapan, bumabagsak. Sino ba naman ang hindi lulunok ng pride para lang mapakain natin ang ating mga pamilya nang kahit isang araw pa?
At ‘yan ang masakit. Kailanma’y hindi ka ia-ahon sa kahirapan ng ayuda. Hindi n’yan mabibigyan ng magandang kinabukasan ang anak mo. Walang ibang gagawin ‘yan kundi turuan tayong habambuhay na umasa sa kakarampot na tulong na natatanggap natin mula sa kanila. Tulong na galing naman talaga sa ating mga bulsa.
At ang kapalit? ‘Yung loyalty mo? Boto mo? Dangal mo? ‘Yan ang usapan, eh. Isang supot ng bigas para sa boto mo. Lata ng sardinas para sa katahimikan mo. Sobre kapalit ang mas magandang kinabukasan para sa anak mo. Kinabukasan na sisira sana sa siklo ng kahirapan na halos nananalaytay na sa inyong dugo.
Sabi nila, “Huwag mong itanong kung papaano ka tutulungan ng iyong bansa. Itanong mo kung papaano ka makatutulong sa kanya.” Pero paano ka tutulong kung ikaw mismo, nakaasa lang din sa tulong?
Hanggang dito na lang ba tayo? Hanggang d'yan ka na lang ba? Pilipinong adik sa ayuda. Isang bansa ng mga mamamayang nakapila, may hawak na claim stub, umaasang makakuha ng higit sa tira-tira?
Ewan ko. Siguro wala namang nakakaalam. Pero alam ko, habang may ayuda, hindi mawawala ang kagutuman at kahirapan, kaya laging may ayuda. At laging may mga pulitikong ngingisi-ngisi para sa camera, mamimigay ng ayuda na parang biyaya na galing sa kanilang kaharian.
“Hanggang ganito na lang tayo?” Pwedeng hindi. Pwedeng oo. Itanong mo sa sarili mo.
Pero ang alam ko, habang humahaba ang pila, ‘yung bigas, pabawas na nang pabawas.
“Eh, buhay ka pa naman, ‘di ba??” sabi nila.
“Kayo rin naman.”
Sa ngayon, siguro sapat na ‘yon para sa ating dalawa.
Pero tignan natin bukas, samakalawa, kapag mga mata'y bukas na.
If you find my work meaningful and would like to support me, you can do so through the following:
☕ Buy Me A Coffee:
📱 GCash (QR code):
As an independent writer, your support helps in my continued work. Thank you. 🌹
Comments